Sa bawat araw na lamang na siyang sumasalubong sa pagbubukas ng mga talukap ng aking mga mata at sa pagbubukas ng aking natutulog na isipan, ingay na agad ang siyang maririnig ng aking mga taingang pagod pa sa maghapong ingay na nasalok at naipon.
Samu't-saring ingay ang nabubuo sa 'ting mundo, mapa-umaga man o mapa-gabi.
Sa paggising pa lamang natin sa malamig na simoy ng tahimik na hangin, nandyan na ang tilaok ng bagong gising na manok, tahol ng galit na aso, iyak ng maamong pusa, tilansik ng umaatikabong mantika, tulo ng maliwanag na tubig, busina ng mga rumaragasang dyip sa kalawakan ng lansangan, palitan ng mga pahayag na sinasambit ng mga mamimili't tindero sa pamilihang bayan at kung ano-ano pa.
Sa ating paglakbay naman tungo sa katahimikan ng madilim na gabi, ingay pa rin ang siyang lumalabas-pasok sa ating mga tainga. Nandyan na naman ang mga sigawan at mga kaskas ng takbo ng mga walang malay na paslit, tilansik ng mantika na maririnig sa mga kabahayan, busina ng mga kotse sa mga lansangan, pangangaral ng mga magulang sa kanilang mga anak na nagkamali sa anumang bagay at marami pang iba.
Sa pagtatapos, maraming ingay pa rin ang hindi natin lubos maiwasan dahil iyan talaga ang tunay na mundo at ang tunay na realidad na ating tinitirhan simula ng tayo'y ilabas sa mundong ito. Hanggang sa huli, iniisip natin, ang ingay pala ay natural na nangyayari at hindi natin kailanman ito mabubura sa ating mundo.
Sana matapos na ang ingay at sana mapalitan na ito ng katahimikan.
Thursday, September 18, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment