Friday, September 19, 2008

Masaya lang talaga ako...

Heto na naman, nagdaan na naman ang isang araw na punung-puno ng kuwento at kasiyahan. Masasabi ko rin na nadagdagan na naman ng timbang ang kasiyahang aking pinanghahawakan sa bawat araw na lumilipas.

Sa nagdaang araw na ito, umapaw na siguro ang aking kasiyahan dahil naramdaman ko ang pagpapahalaga ng aking mga kamag-aral na ngayon lang ko siguro nadama. Masaya talaga ako dahil ilang araw na lang, kaarawan ko na naman at panibagong yugto ulit ang aking uumpisahan. Tama na siguro ang nadadama kong kasiyahan bago pa man sumapit ang araw na ito at bago pan man din dumating ang aking kaarawan pero sa aking gulat, nabigyan pa ito ng dagdag at hindi lang katiting na dagdag dahil napakalaking bagay na rin ang naibigay sa akin nito.

Sobrang pagpapasalamat ko talaga sa Panginoon dahil biniyayaan Niya ako ng ganitong klase ng mga kamag-aral na talaga namang abot-Langit ang suporta at tulong na ibinibigay sa akin. Kailanman, hindi ko makakalimutan ang araw na ito, Setyembre 19, 2008, dahil nakita ko na parang kapamilya ko na rin ang aking mga kamag-aral at mga guro. Nagpapasalamat ako sa kanila ng todo-todo at sobra-sobra dahil nga katulad ng aking nasabi kani-kanina lang, ngayon ko lang nadama ang ganitong mainit na pagbati sa akin ng Maligayang Kaarawan.

Bago pa man sumapit ang araw ng aking kaarawan, pinasasalamatan ko na ang Panginoong Diyos na walang-sawang nagbibigay ng mga biyaya sa akin at sa aking pamilya, gayon din ang aking pamilya na palaging nakasuporta sa akin anumang landas ang aking tinatahak, pati na rin ang aking mga kamag-aral na nandyan sa aking tabi palagi at sa mga guro ko na walang-sawang nagtuturo.

Isa lamang ang aking kahilingan at ito ay matupad sana ang lahat ng aking mga kahilingan.

Thursday, September 18, 2008

Simpleng hiling ng isang bata sa araw ng Pasko

Pasko, Pasko...Malapit na dahil lumalamig na ang simoy ng hangin...Masaya na naman ako...

Ilang araw na lang, Pasko na naman. Pumaparito na naman sa bawat kabahayan ang mga batang kumakanta ng "Sa aming bahay, ang aming bati..." o 'di kaya'y "Pasko na naman, o kay tulin ng araw..." Nagbabakasakali ang batang ito na makaipon ng pera, sa pamamagitan ng pag-awit ng mga Christmas Carols, bago pa man dumating ang pinakahihintay nilang Pasko o ang kaarawan ng ating Panginoong Hesus. Kung sakaling may mag-abot sa kanila ng kahit isang piraso ng barya, magpapasalamat na sila at tiyak na makikita na naman sa kanilang mga mukha ang malalaking ngiti na para bang patungong Langit.

Hindi natin maikukubli na ang bawat bata sa mundo ay may isang kahilingan sa araw ng Pasko. Ang kanilang hiling ay maaaring materyal na bagay tulad ng mga laruan, pera, kagamitan at kung ano pa. Maaari ring di-materyal na bagay ang kanilang hiling sa pagsapit ng Pasko tulad ng pagmamahal at paghaba pa ng buhay ng kanilang mga kapamilya. Iba-iba ang hiling ng bata depende sa kanyang kalagayang kinasasadlakan. Minsan pa nga, ang ibang bata ay walang hiling dahil bukas na at handa na ang kanilang mga isipan na iba na ang buhay ngayon, mataas na ang mga bilihin at mahirap na rin ang buhay. Pero, alam ko na ang isang bata ay hindi titigil sa paghiling dahil balang araw, papakinggan din siya ng Panginoon at didinggin ang kanyang tanging kahilingan.

Sana bago pa man sumapit ang ika-25 ng Disyembre, maging masaya na ang isang bata at makuha na niya ang kanyang simpleng kahilingang matagal na niyang dinadalangin.

Maligayang Pasko sa bawat Pilipino.

Ingay laban sa katahimikan

Sa bawat araw na lamang na siyang sumasalubong sa pagbubukas ng mga talukap ng aking mga mata at sa pagbubukas ng aking natutulog na isipan, ingay na agad ang siyang maririnig ng aking mga taingang pagod pa sa maghapong ingay na nasalok at naipon.

Samu't-saring ingay ang nabubuo sa 'ting mundo, mapa-umaga man o mapa-gabi.

Sa paggising pa lamang natin sa malamig na simoy ng tahimik na hangin, nandyan na ang tilaok ng bagong gising na manok, tahol ng galit na aso, iyak ng maamong pusa, tilansik ng umaatikabong mantika, tulo ng maliwanag na tubig, busina ng mga rumaragasang dyip sa kalawakan ng lansangan, palitan ng mga pahayag na sinasambit ng mga mamimili't tindero sa pamilihang bayan at kung ano-ano pa.

Sa ating paglakbay naman tungo sa katahimikan ng madilim na gabi, ingay pa rin ang siyang lumalabas-pasok sa ating mga tainga. Nandyan na naman ang mga sigawan at mga kaskas ng takbo ng mga walang malay na paslit, tilansik ng mantika na maririnig sa mga kabahayan, busina ng mga kotse sa mga lansangan, pangangaral ng mga magulang sa kanilang mga anak na nagkamali sa anumang bagay at marami pang iba.

Sa pagtatapos, maraming ingay pa rin ang hindi natin lubos maiwasan dahil iyan talaga ang tunay na mundo at ang tunay na realidad na ating tinitirhan simula ng tayo'y ilabas sa mundong ito. Hanggang sa huli, iniisip natin, ang ingay pala ay natural na nangyayari at hindi natin kailanman ito mabubura sa ating mundo.

Sana matapos na ang ingay at sana mapalitan na ito ng katahimikan.